MANILA, Philippines - Dininig na kahapon ng Senate Committee on Electoral Reforms & People’s Participation ang panukalang batas na naglalayong tuluyang ipagbawal ang political dynasty sa bansa.
Ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, kinakailangan ng magpasa ng batas para tuluyang mawala ang political dynasty na kabilang sa ipinagbabawal sa 1987 Constitution.
Naniniwala si Lacson na kahit pa maraming mga pulitiko ang galing sa mga political clan may pag-asang maipasa ang batas dahil na rin sa pressure na nagmumula sa taumbayan.
Pero aminado ang senador na malabong maipasa ang batas at maipatupad bago ang eleksiyon sa 2013. Mas posible pa aniyang maipatupad ito sa 2016 election.
Sinabi ni Lacson na dapat ay isang miyembro lamang ng pamilya ang kumandidato at hindi dapat payagan ang dalawang miyembro ng pamilya na tumakbo kahit pa sa magka-ibang puwesto o magka-ibang lugar.
Hindi rin aniya dapat payagan ang “saluhan” ng puwesto kung saan ang pumapalit lamang sa posisyon ng isang pulitiko ay ang kaniyang kamag-anak o miyembro ng pamilya.(Pilipino Star Ngayon)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento