Linggo, Agosto 5, 2012

Ilang kampo ng militar, sinalakay ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement


COTABATO CITY - Sunod-sunod na sinalakay ng mga armadong grupo ang posisyon ng militar sa mga bayan ng Datu Unsay, Datu Saudi Ampatuan, Guindulungan, Shariff Aguak, Datu Anggal, Midtimbang at Talayan, Maguindanao na nag-umpisa alas-11:00 kagabi hanggang sa mag-umaga.
Pansamantalang pinigil muna ang mga sasakyan sa Maguindanao-General Santos highway dahil sa nagpapatuloy na putukan.
Ayon kay 6th Infantry Division Public Affairs chief Col. Prudencio Asto, sinalakay ng mga rebelde ang detachment ng 1st Mechanized Light Armor Brigade ng Philippine Army.
Dalawa na ang nasawi sa mga armadong grupo at libu-libong mga sibilyan ang nagsilikas sa takot na maipit sa bakbakan.
Inatake rin ng mga lawless group ang posisyon ng militar sa Brgy Kapinpilan, Midsayap, North Cotabato at hangganan sa bayan ng Pikit at Maguindanao.
Sinabi ni 40th Infantry Battalion Philippine Army commanding officer Col. Roy Galido, ang pananalakay ay kagagawan ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) sa pamumuno ni Kumander Ameril Ombra Kato na bago lang tumiwalag sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Tinututulan ng BIFM ang umano'y nakatakdang paglagda ng MILF ng final peace agreement sa pamahalaan. (Bombo Garry Fuerzas)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento