Sinagot ngayon ng Filipina-Mexican-American finalist sa American Idol Season 11 na si Jessica Sanchez, ang mga isyu kaugnay sa kaniyang nationality.
Napag-alaman na kasunod ng muntikang pagkatanggal ng 16-anyos na high school student sa kompetisyon, iba't-ibang teorya ang nabuo ng mga fans at kritiko kung saan pinuntirya ang nationality ng young singer.
Para sa ibang fans, may bahid ng racism ang mababang boto na nakuha ni Sanchez dahil sa Asian roots nito kahit na sa Amerika na ito isinilang at lumaki.
May mga nagsabi ring hindi naging bukas si Jessica sa pagkilala sa pagiging Pinoy nito kaya hindi raw buo ang suporta sa kaniya ng Fil-Am community sa Amerika dahilan upang matanggal ito pero isinalba ng mga judges.
Dahil dito, bumuwelta ang Fil-Am singer sa mga kritiko.
Sa kaniyang Twitter post, binigyang diin ni Sanchez na ipinagmamalaki niyang kalahating Pinoy siya at Mexican na isinilang at lumaki sa Estados Unidos.
Kaya huwag na aniya gawing isyu ang nationality niya dahil proud siya rito.
Ang ina ni Sanchez na si Editha ay tubong Bataan habang ang ama naman nito ay Mexican-American.
"I take pride in what I am. Half Mexican Half Filipino and born & raised here in the states. This really shouldn't be an issue.. #Pride," ani Sanchez.(BomboRadyo)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento