Sa ikatlong pagkakataon, nag-isyu ng babala ang National Disaster
Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko laban sa
kidlat matapos maitala ang sunud-sunod na pagkamatay ng mga nagiging
biktima nito.
Pinaigting pa ng naturang ahensya ang public warning dahil sa ulat ng patuloy na paglakas ng bagyong ‘Dindo’.
Sa panayam ng Abante kay NDRRMC executive director
Undersec. Benito Ramos, noong araw ng Martes (Hunyo 26) lamang ay
6-katao nasawi sa killer kidlat sa magkakahiwalay na bahagi ng bansa
habang lima pa ang sugatan.
Sa tala ng NDRRMC, ito ay sa mga lugar ng San Mateo, Rizal
kung saan dalawa ang nasawi; Coron, Palawan na kumitil din ng dalawa;
at tig-isa naman sa Biliran at Urdaneta, Pangasinan.
Kabilang sa mga nasawi sina Jepoy Carriaga, 18 at
Jayson Cristobal, 15-anyos na tinamaan ng kidlat sa Barangay Sta. Ana,
San Mateo, Rizal.
Sugatan naman sa insidente sina Alfredo Cristobal, Eli
Morales, Boknoy Morales, Bitoy Morales at isang babaeng hindi pa
nakikilala.
Natagpuan namang lumulutang sa tabi ng kanilang bangka ang
mangingisdang sina Toto Ranis at Jomar Dilao na umano’y tinamaan ng
kidlat habang nangingisda sa karagatang sakop ng Gintongan Island,
Bulalacao, Coron, Palawan.
Si Eugene Lopez, 17-anyos, ay agad nalagutan ng hininga
nang tamaan ng kidlat habang nanghuhuli ng insektong exotic food na
‘ararawan’ sa kanilang bukid sa Urdaneta, Pangasinan.
Ayon kay Ramos, ang babala ay hindi lamang ngayon inilabas
kundi makailang ulit na rin dahil napakarami ng insidente ng pagkasawi
sa killer kidlat.
Nadagdag sa humahabang listahan ng mga nasawi sa kidlat
ang isang Allan Casas, 48, taga-Bgy. Atipolo, Naval, Leyte na nadale
dakong alas-kuwatro ng madaling-araw.(AbanteTonite)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento